May-akda: Roland “Rolly” Soliven
Hanggang Kailan Nga Ba Kita Mamahalin?...
….Hanggang ang Liwanag ay papalit sa dilim ng ating daigdig.
… Hanggang may Ulap na ngingiti’t matatanaw sa bawat paghilig.
… Hanggang may Ambon na sa bawat bulaklak ay marahang didilig.
… Hanggang Irog may mga Rosas na mamumukadkad.
… Hanggang may Talulot na maiaalay sa ‘yong mga palad.
… Hanggang may Samyong malalanghap habang naglalakad.
… Hanggang ang Ganda’y maihahandog sa Pag-ibig na lahad.
… Hanggang Giliw may Nektar na sa paru-paro ay nagpapagilas.
… Hanggang ang Ulan na pandilig n’ya ay tuloy na tatagas.
… Hanggang ang pagkabaon ng mga Ugat n’ya ay kapit at wagas.
… Hanggang ang Dahon at Tinik n’ya ay may taglay na talas.
… Hanggang ang Diwa’y ginigising ng kanyang halimuyak.
… Hanggang ang Rikit n’yang taglay ay gamit panggayak.
… Hanggang sa Balana’y may hatid na ngiti at galak.
… Hanggang Pag-ibig ko sa’yo ay tuloy na pinag-aalab.
… Hanggang mga Ibon sa sanga ay nagsisihuni at nagsisilipad,
… Hanggang may Dahong sa hangin ay sasama kahit saan mapadpad.
… Hanggang may damo na tutubo’t lalago sa lupang malapad.
… Hanggang may binhing lilisan na tumubong muli ang tangi at hangad.
… Hanggang may Alon na hahampas at hahalik sa dalampasigan.
… Hanggang may Agos na umaawit habang bumabaybay sa mga batisan.
… Hanggang ito’y malakas na babagsak sa Talon ng walang pagsidlan.
… Hanggang ang lahat ay tutuloy sa piling n’yaring Haring Karagatan.
… Hanggang o Hirang ko Ako’y humihinga.
… Hanggang ang Puso ko’y pipintig pagdaka.
… Hanggang tangan ko ang Buhay na pahiram ni Ama.
… Hanggang kahit pa sa Dakong Paraiso na pangako Niya.
… Hanggang ang Diwa ay kaya pang umisip ng mga salita.
… Hanggang may babasa pa’t maaaliw sa ’king mga Tula.
… Hanggang hitik ang Panitik ng Abang Lingkod na Makata.
…
…… HANGGANG ANG HANGGANAN MAHAL KO…
……. MABATID MONG
…….. WALA !!!