MENU

Akda ni : Rolando “Rolly” Soliven

… Isang paggunita sa napapanahong mga nagaganap na High School Reunions…

... Bigla ang pagtunog ng cellphone at isang mensahe mula kay Ipe, "Pawe ano ba ang susuutin natin, kailangan bang nakapangwakas tayo?"... Ano nga ba? Makalipas ang dalawampung taon, babalik kami sa aming paaralan ng high school, at hindi ko inaasahan ang katanungan. "Kahit ano siguro pare, basta ako isusuot ko 'tong bagong bili kong Vans na toga ko. Ito yong hindi ko nasuot noong fourth year tayo." Hindi na sumagot si Ipe, hindi ko na nasabi ang mas malalim na dahilan.

... "Tama na po Tay!" Itinaas na muli ni Tatay ang sinturon , at kahit ayokong sumuko, batid ko na masasaktan lang akong lalo kung hindi ako magsasalita. E ano ba kung paluin niya ko, basta ba bilihan niya ako ng bagong Vans na sapatos. Bakit yung mga kabarkada at kaklase ko meron. "Kabibili lang natin ng sapatos mo Iyeng, mahina na ang negosyo. Kailangan natin ng pera para sa mas mahahalagang bagay." Mahina ang boses ni Tatay... "Oo nga Tay, pero mas gusto ko yung ganong sapatos." Tumalikod na siya... "Ayokong magtrabaho kasama nyo!" pasigaw kong sabi. Lumapit si Nanay, kinausap nya ako. "Hindi, ayoko nga talaga, e ayoko na na ngang mag-aral." bulong ko sa sarili ko. Padabog akong umalis. "Lalaboy na lang ako!"


... "Kuya, tawag ka ni Tatay!" "Ayokong umuwi, sabihin mo sa kanya, bakit ba e ayoko ngang magbilot." "Bahala ka!" Tumakbo nang pauwi ang kapatid ko. Doon pa lang alam ko na, makatitikim na ako.... "Rolly!" Si Nanay na..."Ayoko na! Uuwi na ako" sigaw ko sa mga kalaro ko ng basketball. Hindi ko rin gusto na sa gitna pa ng court ako makitang paluin ni Tatay. Tanda ko pa, pinalo niya si kuya doon at katakot-takot na tukso ang inabot nito sa mga kalaro niya... Iba na ang pangalang ginamit ni Nanay...malamang... eto na.

... Dinatnan ko si Tatay na nakatayo sa may pugon na gawaan namin ng barquillos, sunod-sunod ang hitit niya ng sigarilyo. Sa kanang kamay ay nakapulupot ang bagay na batid kong magbibigay sa akin ng ibayong sakit... Pak!... Napaigtad ako, at dahan-dahang nilamon ng sakit ang aking kalamnan...at bago ko matanto kung gaano ito kasakit ay sinundan pang mga palong hindi ko na binilang. Wala ng saysay pang bilangin dahil hindi ko naman alam kung kailan matatapos.

... "Husto na naman Tay!" bahagya ko ng narinig ang tinig ni Nanay sa pagitan ng aking pagtangis at hiyaw, Nagtatalo ang isip ko kung ano ang gagawin ko. Tama bang lumaban ako dahil iyon ang sigaw ng nasasaktan kong katawan, o tiisin ko ang bunga ng aking kapalaluan dahil iyon ang bulong ng aking isipan. Pumikit ako at alam kong ibinaba na na niya ang sinturon. Bunga marahil ng pagtalima niya kay Nanay. Ayaw kong isipin na dahil naawa lang siya sa akin.

... Sa pagitan ng mga hikbi ay tinitigan ko ang balat kong halos balutin ng mga pulang latay dulot ng malapad na sinturon. Ahhhhh...kung puwede lang na wasakin ko ang sinturon at durigin ay ginawa ko na. Matagal kaming hindi nag-uusap habang nagbibilot ako ng barquillos na niluluto ni Tatay sa hulmahan. Manaka-naka ay tinutungga niya ang boteng bilog na sumasalit sa pagbuga niya ng usok ng sigarilyo.... "Rolly, alam ko na matalino ka. balang araw ay malalaman mo ang dahilan kung bakit minsan ay nagagawa ko iyan. Sa buhay ng tao, may mga bagay na lubhang mas mahalaga kaysa sa mga nais mo ngayon. Pagdating ng tamang panahon, batid ko na maiintindihan mo ang ibig kong sabihin. Kapag gumanda ang takbo ng negosyo, bibili tayo ng sapatos na gusto mo. Pinatay na ni Tatay ang sindi ng kalan. Natapos na ang araw... Iyon ang akala ko, ang sagot pala sa sinabi ni Tatay ay dalawampung taon ko pa malalaman ang kasagutan.

... "Nakapanghihinayang kung hindi ka mag kokolehiyo Rolly. Bakit sabi ng Nanay mo ay ayaw mo nang magtuloy ng pag-aaral?" Si Tatay ang nagsalita. "Ayoko po muna, pahinga muna ko...paunahin muna natin yong mga kapatid kong maliliit Tay. Baka kasi kapusin tayo...titigil din ako." Puwede ko bang sabihin sa kanya na gusto kong sa mamahaling kolehiyo ako mag-aral? Na dahil sinabi nila na hindi nila ako kayang pag-aralin sa gusto kong paaralan ay hindi na talaga ako nagbalak pang magtuloy sa kolehiyo? Hindi siguro...

... Inumpisahan kong maghanap ng trabaho at magpalipat lipat ng kompanya. Dahil sa high school graduate lang ang tinapos ay palagiang kontrata lang ang bagsak. Makaminsan ay ilang buwang tambay at nag-aaksaya ng panahon. Nabibili ko na rin ang mga bagay na gusto ko. May mga pagkakataon ding tangka akong pag-aralin ng mga kuya ko subalit mabilis din akong tumitigil. Sayang lang ang pera at panahon.

... Ang negosyo namin ay unti-unti ng humina. Kasabay ng kapuna-punang paghina na rin ng katawan ni Tatay. Mabilis tumakbo ang panahon at isang araw matapos akong paglinisin ng palikuran sa pabrika ay naiisip ko na husto na. Hindi sa ganito ako dapat tumigil. Nang gabing iyon kinausap ko si Tatay at Nanay... "Mag-aaral po ako, kakausapin ko ang opisina kung pwede akong mag-aral sa gabi at magtrabaho sa umaga. "Baka mahirapan ka?" tugon ni Nanay..."Oo nga" si Tatay habang umiinom ng kape. "Bahala na Tay." Sa munting liwanag ay naaninag ko ang pagtango niya, bago siya tumalikod nasulyapan ko ang isang ngiti sa kanyang mga labi.

... Sinimulan ko nang baguhin ang buhay ko. masabi pang kung ilang beses akong nagbalak na huminto dahil sa hirap ng buhay at ilang kadahilanan...subalit ang kagustuhan kong makapagtapos ang tila tanikala na pumipigil sa akin na bumitiw at sumuko. Tuloy-tuloy akong nagsikap na maitawid ang pag-aaral ko. Mapalad ako dahil sa mga markang hindi ko alam kung paano ko nakuha ay napagkalooban ako ng scholarship na ng lumaon ay naging isandaang porsyento. Malaking tulong ito sa isang working student na katulad ko. Sayang nga lamang at hindi ko na naituloy ang scholarship ko para sa karagdagang taon pa.

... Matapos ang ilang taon ding paghihirap kasama ko na si Tatay, marahil ay pamilyar sa kanya ang okasyon. Dahil sa tatatlong taon na inilagi niya sa paaralan naikwento sa amin na palagian siyang tumatanggap ng medalya. Sa pagkakataong ito, hindi man napakataas ng pag-aaral na naabot ko, mapapatunayan ko sa kanya na nagsumikap ako. Habang sinasabit niya ang medalya sa akin...tila kumislot ang laman na nilatayan ng sinturon. Marahil nalalapit na ang kasagutan.

... Matagal ng namayapa si Tatay, noong 2005 ay iginupo na siya ng halos pitong taon ng malubhang pagkakasakit dulot ng mga bisyong ginawa niya mula pagkabata. Ang impluwensya at mga pangaral niya ay nakatakda ng mabigyan mas malinaw na larawan.

... Hindi ko na maalala kung bakit hindi ako nabilihan ng sapatos. Marahil wala talaga siyang balak bumili, sinabi niya lamang upang kahit paano ay maibsan ang sakit na nararamdaman ko. Ano nga ba ang meron sa sapatos na yaon at tila napaka guapo nila Edong, Randy, Glenn, Cris, Tupe at ng iba pang kakilala ko na mayroong ganon.

... Dalawampung taon...pagkatapos ng dalwang dekada naganap na ang muling pagkikita. Halos dalawang taong pinagplanuhan at binuo. Isang gabing punong-puno ng ligaya at kasiyahan. Parang ayaw mo ng matapos... Ano pa nga ba at sana ay pansamantalang tumigil ang pagtakbo ng orasan. Nais mong damahin ang lahat ng ligaya sa piling ng mga dating kaeskwela, kaibigan, kaaway, minahal, muntik ng minahal, bagong mamahalin. Aalalahaning mga sandali ng buhay, isang gabi ng paggunita sa mga taong hinuhubog pa lamang ang mga pangarap at pagkatao.

... At ako...dalawampung taon ko bago naintindihan si Tatay. Malapit ng mag-umaga ng dumating ako sa bahay. medyo mabigat na ang talukap ng aking mga mata, dala marahil ng pagod at antok...at ng kaunting alkohol na hindi mo maiwasan. Bahagya ko ng nasulyapan ang pulang sapatos sa ilalim ng hagdanan.... Bakit nga ba hindi ito ang isinuot ko? Bakit?....... Ngayon alam ko na..... Ahhhhh.... Dahil hindi nga ito ang mahalaga. NATUKLASAN KO ANG MAS MALALIM NA DAHILAN, NA ANG MAS MAHALAGA AY ANG MGA KAKLASE, KAIBIGAN, KAMAG-ARAL AT MGA GURO NA NAGING KARAMAY NATIN SA PAGBUO NG ATING SARILI AT NG ATING MGA PANGARAP.

... ANG PAGPUPUNYAGI NATING PATULOY NA MAGSIKAP UPANG MAKAMIT ANG TUNAY NA KAHULUGAN NG BUHAY... AT ANG PATULOY NA PAGPINTIG NG ATING MGA PUSO UPANG SA PAGDATING NG MGA PAGKAKATAONG TULAD NITO AY MAIPADAMA NATIN SA LAHAT ANG ATING MAIINIT NA PAGMAMAHAL...

... DALAWAMPUNG TAON??? HAHHHHHH...... MAIKSI LANG PALA....